Kay Celia

(Francisco Baltazar)


Kung págsaulán kong, basahin sa isip,
ang nangákaraáng, araw ng pág-ibig,
may maháhagilap, kayáng natítitik,
liban na kay Celiang, namugad sa dibdib?

Yaóng Celiang laging, pinangánganiban,
baká makálimot, sa pág-íibigan,
ang ikiná-lubóg, niyaring kapalaran,
sa lubháng malalim, na karálitaán.

Mákaligtaán ko, kayáng dî basahin,
nagdaáng panahón, ng súyuan namin,
kaniyáng págsintáng, ginugol sa akin,
at pinuhunan kong, pagod at hilahil?

Lumipas ang araw, na lubháng matamís,
at waláng natirá, kundî ang pág-ibig,
tapát na págsuyong, lalagî sa dibdib,
hanggáng sa libingan, bangkay ko’y maidlip.

Ngayóng namá-manglaw, sa pangúngulila,
ang giná-gawâ kong, pág-alíw sa dusà,
nagdaáng panahó’y, iná-alaala,
sa iyóng larawa’y, nínitáng ginhawa.

Sa larawang guhit, ng sa sintáng pinsel,
kusang ilínimbág, sa pusò’t panimdim,
nág-iisáng sanláng, naiwan sa akin,
at dî maná-nakaw, magpáhanggáng libíng.

Ang kaluluwá ko’y, kusang dumá-dalaw,
sa lansanga’t nayong, iyóng niyápakan,
sa ilog Beata’t, Hilóm na mababaw,
yaríng aking pusò’y, laging lumíligaw.

Dî mámakailáng mupô, ang panimdím,
sa punò ng manggáng, náraanán natin,
sa nagbiting bungang, ibig mong pitasín,
ang ulilang sintá’y, aking iná-alíw.

Ang katauhan ko’y, kusang nagtá-talik,
sa buntong hiningá, nang iká’y may sakít,
himutók ko niyaó’y, inaaring langit,
paraiso namán, ang may túlong silíd.

Liní-ligawan ko, ang iyóng larawan,
sa Makating ilog, na kinálagian,
binabakás ko rin, masayáng daungán,
yapák ng paá mo, sa batóng túntungan.

Nagbá-balík mandi’t, parang hiná-hanap,
ditô ang panahóng, masayáng lumipas,
na kung malíligo’y, sa tubig áagap,
nang hindî abutin, ng tábsing sa dagat.

Parang naríriníg, ang lagî mong wikâ,
"tatlóng araw na dî, nagtá-tanáw tamâ"
at siná-sagót ko, ng sabing may tuwâ,
“sa isáng katawá’y, marami ang handâ”.

Anó pangá’t waláng, dî nasí-siyasat,
ang pagí-isíp ko, sa tuwáng kumupas,
sa kagú-gunitá, luhà’y lálagaslás,
sabáy ang taghoy kong, ó nasawíng palad!

Nasaan si Celiang, ligaya ng dibdib,
ang suyuan nami’y, bakit dî lumawig?
Nahan ang panahóng, isá niyáng titig,
ang siyáng buhay ko, kalúluwá’t langit?

Bakit bagá niyaóng, kamí’y mághiwaláy,
ay dipà nákitíl, yaríng abáng buhay?
Kung gunitaín ka’y, aking kamatayan,
sa pusò ko Celia’y, dikà mapá-param.

Itóng dî matiís, na págdaralitâ,
nang dahil sa iyó, ó nálayóng tuwâ,
ang siyáng umakay, na akó’y tumulâ,
awitín ang buhay, nang isáng náabâ.

Celia’y talastás ko’t, malabis na umíd,
mangmáng ang Musa ko’t, malumbay ang tinig,
dî kinábahagyá, kung hindî málait,
palaring dinggín mo, ng tainga at isip.

Itó’y unang bukál, nang baít kong kutád,
na iniháhandóg, sa mahál mong yapák,
tanggapín mo nawâ, kahit waláng lasáp,
nagbuhat sa pusò, nang lingkód na tapát.

Kung kasadlakán man, ng pulà't pág ayop,
tubò ko’y dakilà, sa puhunang pagod,
kung binabasa mo’y, isá mang himutók,
ay alálahanin, yaríng nagháhandog.

Masasayáng Ninfas, sa lawa nang Bay,
Sirenas ang tinig, ay kawilí-wilí,
kayó ngayó’y siyáng, piní-pintakasî,
ng lubháng mapanglaw, na Musa kong imbî.

Ahon sa dalata’t, pangpáng na nágligid,
tunohan nang lira, yaríng abáng awit,
na nagsásalitáng, buhay ma’y mapatíd,
tapát na págsintá’y, hangád na lumawig.

Ikáw na bulaklak, niyaring dilì-dilî,
Celiang sagisag mo’y, ang M. A. R.
sa Birheng mag-Iná’y, ipamintakasî,
ang tapát mong lingkód, na si F. B.


Sa Babasa Nitó

Salamat sa iyó, ó nanasang irog, kung halagahán mo, itóng aking pagod, ang tulâ ma’y bukál, nang baít na kapós, pakíkinabangan, nang ibig tumarók. Kung sa bigláng tingí’y, bubót at masakláp, palibhasa’y hiláw, at murà ang balát, ngunit kung namnamín, ang sa lamáng lasáp, masásarapán din, ang babasang pantás. Díko hinihingíng, pakamahalín mo, tawana’t dustaín, ang abáng tulâ ko, gawín ang ibigi’t, alpá’y na sa iyó, ay huwág mo lamang, baguhin ang berso. Kung sa pagbasa mo’y, may tuláng malabo, bago mo hatulan, katkatín at likô, pasuriin muna, ang luwasa't hulò, at makikilalang, malinaw at wastô. Ang may tandáng letra, alín mang talatà, dimo mawatasa't, malalim na wikâ, ang matá'y itingín, sa dakong ibabâ, buóng kahulugá’y, mapág-uunawa. Hanggáng ditô akó, ó nanasang pantás, sa kay Sigesmundo’y, huwág díng matulad, sa gayóng katamís, wikang masasaráp, ay sa kababago, nang tulâ’y umalat.

Punò Nang Salitâ

Sa isáng madilím, gubat na mapanglaw, dawag na matiník, ay waláng pagitan, halos naghihirap, ang kay Febong silang, dumalaw sa loób, na lubháng masukal. Malalakíng kahoy, ang iniháhandóg, pawang dalamhatì, kahapisá’t lungkot, huni pa ng ibon, ay nakalúlunós, sa lalong matimpî’t, nagsásayáng loób. Tanáng mga baging, na namímilipit, sa sangá ng kahoy, ay balót ng tiník, may bulò ang bungà’t, nagbíbigáy sákit, sa kangino pa mang, sumagì't malapít. Ang mga bulaklak, ng nágtayóng kahoy, pinaká-pamutíng, nag ungós sa dahon, pawang kulay luksâ, at nakíkiayon, sa nakáliliyóng, masángsang na amóy. Karamiha’y Cipres, at Higuerang kutád, na ang lilim niyaón, ay nakásisindák, itó’y waláng bungà’t, daho’y malálapad, na nakádidilím, sa loób ng gubat. Ang mga hayop páng, ditô’y gumágalà, karamiha’y Sierpe’t, Baselisko’y madlâ, Hiena’t, Tigreng ganid, na nagsí-sísilâ, ng buhay ng tao’t, daigíng kapuwà. Itó’y gubat mandíng, sa pintó’y malapit, ng Avernong Reyno, ni Plutong masungit, ang nasásakupang, lupà’y, dinídilíg, ng ilog Cocitong, kamandág ang tubig. Sa may gitnâ nitó'y, mapanglaw na gubat, may punong Higuerang, daho’y kulay pupas, ditô nagágapos, ang kahabág-habág, isáng pinág-usig, ng masamáng palad. Bagong taong basal, na ang anyó’t tindíg, kahit natátalì kamáy, paá’t liíg, kundî si Narciso’y, tunay na Adonis, mukhâ’y sumísilang, sa gitnâ ng sakit. Makinis ang balát, at anakì burók, pilíkmatá’t kilay, mistulang balantók, bagong sapóng ginto, ang kulay ng buhók, sangkáp ng katawá’y, pawang magká-ayós. Dangan duó’y waláng, Oreadang Ninfas, gubat na Palasyo, ng masidhíng Harpias, nangáawa disi’t, ná-akay lumiyág, sa himaláng tipon, ng kariktá’t hirap. Ang abáng uyamin, ng dalitâ’t sakit, ang dalawáng matá'y, bukál ang kaparis, sa luhang nanaták, at tinangis-tangis, ganitó’y damdamin, ng may awang dibdib. Mahigantíng langit, bangís mo’y nasaán, ngayó’y naníniíg, sa pagká-gulayláy, bago’y ang bandilâ, ng lalong kasám'an, sa Reynong Albania'y, iniwáwagaywáy? Sa loób at labás, ng bayan kong sawî, kaliluha'y siyáng, nangyáyaring harì, kagalinga’t baít, ay nalúlugamì, ininís sa hukay, nang dusà’t pighatî. Ang magandang asal, ay ipinúpukól, sa laot ng dagat, ng kutyá’t linggatóng, balang magagalíng, ay ibinábaón, at inilílibíng, na waláng kabaong. Ngunì ay ang lilò't, masásamáng loób, sa trono ng purî, ay inilúluklók, at sa balang sukáb, na may asal hayop, mabangong insenso, ang isinusuób. Kaliluha't samâ, ang ulò’y nágtayô, at ang kabaita’y, kimí’t nakáyukô, santong katuwira’y, lugamì at hapô, ang luhà na lamang, ang pinatútulô. At ang balang bibíg, na binúbukalán, nang sabing magalíng, at katútuhanan, agád binibiyák, at sinísikangan, nang kalis ng lalong, dustáng kamatayan. O taksíl na pita, sa yama’t mataás, ó hangád sa puring, hanging lumílipas, ikaw ang dahilán, ng kasám'ang lahát, at niyaríng násapit, na kahabághabág. Sa Korona dahil, ng Haring Linceo, at sa kayamanan, ng Dukeng Amá ko, ang ipinangahás, ng Konde Adolfo, sabugan ng samâ, ang Albaniang Reyno. Ang lahát nang itó, máawaíng langit, iyóng tinútunghá’y, anó’t natítiis? mulâ ka ng buóng, katuwira’t baít, pinápayagan mong, ilubóg ng lupít? Makapangyarihang, kanan mo’y ikilos, papámilansikín, ang kalis ng poót, sa Reynong Albania’y, kusang ibulusok, ang iyóng higantî, sa masamáng loób. Bakit kalangitá’y, bingî ka sa akin, ang tapát kong luhóg, ay hindî mo dinggín, diyata’t sa isáng, alipusta’t ilíng, sampúng tainga mo’y, ipinangunguling? Datapwa’t sino, ang tatarók kayâ, sa mahál mong lihim, Diyos na dakilà, waláng mangyayari, sa balát ng lupà, dî may kagalingang, iyóng ninánasà? Ay dî saán ngayón, akó mangángapit, saán ipúpukól, ang tinangis-tangis, kung ayaw na ngayóng, dinigín ng langit, ang sigáw ng aking, malumbay na boses! Kung siyá mong ibig, na akó’y magdusà, langit na mataás, aking mabábatá, isagì mo lamang, sa pusò ni Laura, akó’y minsan minsang, mapág ala-alà. At ditô sa laot, ng dusà’t hinagpís, malawak na luhang, aking tinátawíd, gunitâ ni Laura, sa náabáng ibig, siyá ko na lamang, ligaya sa dibdib. Munting gunám-gunam, ng sintá ko’t mutyâ, ng dahil sa aki’y, dakilà kong tuwâ, higít na malakíng, hirap at dalitâ, parusa ng taong, lilò't waláng awà. Sa págkagapos ko’y, kung guní-guníhin, malamíg nang bangkay, akong nahíhimbíng, at tinátangisan, nang sulà ko’t giliw, ang pagká-buhay ko’y, waláng hanggá mandín. Kung apuhapin ko, sa sariling isip, ang suyuan namin, nang pili kong ibig, ang págluhà niyá, kung akó’y may hápis, nagíging ligaya, yaríng madláng sákit. Ngunî sa abâ ko, sawíng kapalaran, anó pang halagá, nang gayóng suyuan? Kung ang sing-ibig ko’y, sa katahimikan, ay humíhilig na, sa ibáng kandungan? Sa sinápupunán, nang Konde Adolfo, aking nátatanáw, si Laurang sintá ko, kamataya’y nahan, ang dating bangís mo, nang dî ko damdamín, ang hirap na itó? Dito hinimatáy, sa pághíhinagpís, sumukò ang pusò, sa dahás nang sákit, ulò’y nalungáy-ngáy, luhà’y bumalisbís, kinagagapusang, kahoy ay nádilíg. Mag mulâ sa yapak, hanggáng sa ulunán, nalimbág ang bangís, nang kapíghatian, at ang panibugho'y, gumamit nang asal, nang lalong marahás, lilong kamatayan. Ang kahima’t sinong, hindî maramdamin, kung itó’y makità’y, mag mámahabagín, matipíd na luhà, ay paá-agusin, ang nagparusa ma’y, pilit háhapisin. Súkat na ang tingnán, ang lugaming anyo, nitóng sa dalitâ'y, hindî makakibó, áakaying bigláng, umiyák ang pusò, kung walâ nang lúhang, sa matá'y itulò. Gaano ang awang, bubugsô sa dibdib, nang may karamdamang, ma anyóng tumitig, kung ang panambita’t, daíng ay mariníg, nang mahimasmasán, ang tipon nang sákit? Halos buóng gubat, ay nasásabugan, nang iná-ing-áing, na lubháng malumbay, na inuulit pa, at isinísigáw, sagót sa malayò, niyaóng alingáw-ngáw,. Ay Laurang poó’y, bakit isínuyo, sa ibá ang sintáng, sa aki’y pangako, at pinág-liluhan, ang tapát na pusò, pinág-gugulan mo, nang lúhang tumulò? Dî sinumpaán mo, sa haráp ng langit, na dî maglílilò, sa aking pag-ibig, ipinábigáy ko, namán yaríng dibdib, walâ sa gunitâ, itóng masásapit. Katiwalà akó’t, ang iyóng kariktán, kapilas nang langit, anakí matibay, tapát ang pusò mo’t, dî nagunám-gunam, na ang páglililò'y, nasa kagandahan. Hindî ko akalang, iyóng sásayangin, maraming luhà mong, ginugol sa akin, taguríng madalás, na akó ang giliw, mukhâ ko ang lunas, sa madláng hilahil. Dî kung akó Poó’y, utusang mang-gubat, nang Harì mong Amá, sa alín mang siyudád, kung ginágawá mo, ang aking sagisag, dalawá mong matá'y, nanalong nang perlas. Ang aking plumahe, kung itinátalî, nang parang korales, na iyóng dalirî, buntong hiningá mo’y, nakikí-ugalî, sa kilos nang gintóng, ipinanánahî. Makailán Laurang, sa aki’y, iyabót, basâ pa nang luhà, bandang isusuót, ibiníbigáy mo, ay naghíhimutók, takót masugatan, sa pakikíhamok. Baluti’t koleto’y, dî mo papayagan, mádampí’t málapat, sa aking katawán, kundî tingnán muna’t, baká may kalawang, ay nanganganib kang, damít ko’y marumhán. Sinísiyasat mo, ang tibay at kintáb, na kung sayaran man, nang tagá’y dumulás, at kung malayo mang, iyóng minámalas, sa gitnâ nang hukbo’y, makilala agád. Pahíhiyasán mo, ang aking turbante, nang perlas topasyó’t, maningning na rubî, bukód ang magaláw, na batóng dyamante, punô nang ngalan mong, isáng layong L. Hanggáng akó’y walâ’t, nakikipág-hamok, nang-áapuhap ka, nang pang-alíw loób, manalo man akó’y, kung bagong nanasok, nakikità mo na’y, may dalá pang takot. Buóng panganib mo’y, baká nagká súgat, dî maniniwala, kung dî masiyasat, at kung magkágurlís, nang muntî sa balát, hinúhugasan mo, nang lúhang nanaták. Kung akó’y mayroong, káhapisáng muntî, tatanungín muna, kung anó ang sanhî, hanggángmalining, ay idinarampî, sa mga mukhâ ko, ang rubî mong labî. Hindî ka tutugot, kundî mátalastás, kákapitan mo nang, mabigyán nang lunas, dadalhín sa hardí’t, doón ihahanap, nang iká-aalíw, sa mga bulaklak. Iyóng pípitasín, ang lalong marikít, dinî sa liíg ko’y, kusang isasabit, tuhóg na bulaklak, sadyáng salít-salít, pág-uupán din mong, lumbáy ko’y mapaknít. At kung ang hápis ko’y, hindî masawatâ, sa pilíkmatá mo’y, dadaloy ang luhà. napasaán ngayón, ang gayóng arugâ, sa dalá kong sákit, ay dî iyapulâ? Halina Laura’t, aking kailangan, ngayón ang lingap mo, nang náunang araw, ngayón hinihingî, ang iyóng págdamay, ang abáng sintá mo’y, nasa kamatayan. At ngayóng malakî, ang aking dalitâ, ay dî humahanap, nang maraming luhà, súkat ang kapaták, na maká-apulâ, kung sa may págsintáng, pusò mo’y mag mulâ. Katawán ko’y ngayón, siyasatin ibig, tigní ang súgat kong, dî gawâ nang kalís, hugasan ang dugông, nanalong sa gitgít, nang kamáy ko, paá’t, natataling liíg. Halina, irog ko’t, ang damít ko’y tingnán, ang hindî mo ibig, dampiháng kalawang, kalagín ang lubid, at iyóng bihisan, matindíng dusà ko’y, nang gumaán-gaán. Ang mga matá mo’y, kung iyóng ititig, dinî sa anyô kong, sadlakan nang sákit, upangmapigil, ang takbóng mabilís, niyaring abáng buhay, sa ikapápatíd. Wala na Laura’t, ikáw nangá lamang, ang makalúlunas, niyaring kahirapan. Damhín nang kamáy mo, ang aking katawán, at bangkay man akó’y, mulíng mabúbuhay! Ngunî sa abâ ko, ay sa lakíng hirap, walâ na si Laura’y, laging tinátawag, napalayó-layó’t, dî na lumíliyág, ipinág-kanulò, ang sintá kong tapát. Sa ibáng kandunga’y, ipinág-biyayà, ang púsong akin na, at akó’y dinayà, buóng pág-ibig ko’y, ipinánganyaya, linimot ang sintá’t, sinayang ang luhà. Alín pa ang hirap, na dî ná sa akin, may kamatayan bang, dîko darámdamín, ulila sa Amá’t, sa Ináng nag-angkín, waláng kaibiga’t, linimot ng giliw? Dusà sa purî kong, kusang siníphayò, palasóng may lasong, natirik sa pusò, habág sa Amá ko’y, tunód na tumimo, akó’y sinusunog, niyaring panibugho. Itó’y siyáng una, sa lahát ng hirap, pág-dayà ni Laura, ang kumákamandág, dinî sa buhay ko’y, siyáng magsásadlak, sa libingáng laán, ang masamáng palad. O Konde Adolfo’y, ilínapat mo man, sa akin ang hirap, ng sángsinukuban, ang kabangisán mo’y, pasá-salamatan, kung pusò ni Laura, ay hindî inagaw. Dito nághimutók, ng kasindák-sindák, na umalingáwngáw, sa loób ng gubat, tinangáy ang diwâ’t, karamdamang hawak, ng buntong hininga’t, luhà’y lumagáslás. Sa punò ng kahoy, ay napa-yukayok, ang liíg ay supíl, ng lubid na gápos, bangkay na mistulà't, ang kulay na burók, ng kaniyáng mukhâ’y, nagíng putíng lubós. Nagkataón siyáng, págdatíng sa gubat, ng isáng gererong, bayani ang tikas, putong na turbante, ay kalingas-lingas, pananamít moro, sa Persiang siyudád,. Pinigil ang lakad, at nagtanáw-tanáw, anakí ninitá, ng págpahingahán, dî kaginsa-ginsa’y, ipinágtapunan, ang pika’t adarqa’t, nagdaop ng kamáy. Saká tumingalá’t, matá'y, itinirik, sa bubóng ng kahoy, na takíp sa langit, estatwá mandíng, nakatayo’t umíd, ang buntong hiningá, niyá’y waláng patíd. Nang magdamdam ngawit, sa pagayóng anyò, sa punò ng isáng, kahoy ay umupô, nag-wikang "ó palad", sabay ang págtulò, sa matá ng lúhang, anakí'y, palasó. Ulo’y ipinatong, sa kalíwáng kamáy, at saká tinutóp, ang noó ng kanan, anakí mayroóng, ginúgunám-gúnam, isáng mahalagáng, nalimutang bagay. Malao’y humilig, nagwaláng bahala, dirin kumákatì, ang bátis ng luhà, sa madláng himutok, ay kasalamuha, ang wikang "Flerida’y, tapós na ang tuwâ". Sa balang sandalî, ay sinasabugan, yaóng buóng gubat, ng maraming bagay! Nakikitono, sa huning mapanglaw, ng pánggabíng ibon, duó’y nagtátahán. Mapamayá-mayá’y, nagbangong nagulat, tinangnán ang pika’t, sampû ng kalaság, nalimbág sa mukhâ, ang bangís ng Furias, "dî ko itutulot", ang ipináhahayág. "At kung kay Flerida’y, ibá ang umagaw, at dî ang amá kong, dapat na igalang, hindî ko masabi, kung ang pikang tangan, bubugá ng libo’t, laksáng kamatayan. Bábabâ si Marte, mulâ sa itaás, sa káilalima’y, áahon nang Parkas, buóng galit nilá, ay ibúbulalás, yayakagin niyaring, kamáy kong marahás. Sa kukó nang lilo'y, aking áagawin, ang kabiyák niyaring, kalúluwáng angkín, liban na kay Amá, ang sino ma’t alín, ay dî igagalang, nang tangang patalím. O pagsintáng labis, ang kapángyarihan, sampúng mag aamá’y, iyóng nasásaklaw! Pag ikaw ang nasok, sa pusò ninuman, hahamaking lahát, masunód ka lamang! At yúyurakan na, ang lalong dakilà, baít kátuwira’y, ipangánganyaya, buóng katungkula’y, wáwalíng bahalà, sampû nang hiningá’y, ipaúubaya. Itong kinaratnán, nang palad kong linsil, salamíng malinaw, na súkat mahalín, nang makatátatáp, nang hindî sapitin, ang kahirapan kong, dî makayang bathín. Sa mawika itó, luhà’y piná-agos, pika’y isinaksák, saká nag himutók, nagkataón namáng, parang isinagót, ang buntong hiningá, niyaóng nagágapos. Gerero’y namanghâ, nang itó’y marinig, pinábaling-baling, sa gubat ang titig, nang waláng makitá’y, hinintay umulit, dî namán naglao’y, nag bagong humibík. Ang bayaning moro’y, lalò nang namaáng, sinong nanánaghóy, sa ganitóng iláng? Lumapit sa dakong, pinánggágalingan, nang buntong hininga’t, pinakímatyagán. Inabutan niyá’y, ang ganitóng hibík, ay mapagkandiling, Amáng ini-ibig! Bakit ang buhay mo’y, naunang napatíd, akó’y inulila, sa gitnâ nang sákit? Kung sa gunitâ ko’y, págkurú-kúruin, ang págkahulog mo, sa kamáy nang taksíl, parang nakikità, ang iyóng naratíng, parusang marahás, na kalagím-lagím. At alín ang hirap, na dî ikákapit, sa iyó nang Konde, Adolfong malupít, ikaw ang salamín, sa Reyno nang baít, págbúbuntunán ka, nang malakíng galit. Katawán mo Amá’y, parang namámalas, ngayón nang bunsô mong, lugamì sa hirap, pinípisang-pisang, at iniwáwalát, nang pawà ríng lilong, berdugô nang sukáb. Ang nagkahiwalay, na laman mo’t butó, kamáy at katawáng, nalayó sa ulò, ipinág-hagisan, niyaóng mga lilo, at waláng maawang, maglibing na tao. Sampû nang lingkód mo’t, mga kaibigan, kung kampi sa lilo'y, iyó nang káaway, ang dî nagsí-ayo’y, natatakot namán, bangkay mo’y ibaó’t, mapáparusahan. Hanggáng ditô Amá’y, aking naririníg, nang ang iyóng ulò’y, itapat sa kalís, ang panambitan mo’t, dalangin sa langit, na akó’y maligtás, sa kukóng malupít. Ninánasà mo pang, akó’y matabunan, ng bangkay sa gitnâ, ng págpapatayán, nang huwág mahulog, sa panirang kamáy, ng Konde Adolfong, higít sa halimaw. Panánalangín mo’y, dî pa nagáganáp, sa liíg mo’y bigláng, nahulog ang tabák, nanáw sa bibíg mong, hulíng pangúngusap, ang "adyós bunsó’t", buhay mo’y lumipas. Ay amáng amá ko! kung magunám-gúnam, madlà mong pág-irog, at págpápalayaw, ipinápalasó, ng kapíghatian, luhà niyaring púsong, sa matá'y nunukál. Waláng ikalawáng, amá ka sa lupà, sa anák na kandóng, ng pág-aarugâ, ang munting hápis kong, sumungaw sa mukhâ, sa habág mo’y agád, bumalong ang luhà. Ang lahát ng tuwâ’y, natapos sa akin, sampû niyaring buhay, ay naging hilahil, amá ko’y hindî na, malaong hihigtín akó’y sa payapang, baya’y yayakapin. Sandalíng tumigil, itóng nanánangis, binigyáng panahón, luhà’y tumagistís, niyaóng naáawang, morong nakikinig, sa habág ay halos, mag putók ang dibdib. Tinutóp ang pusò, at saka nágsaysay, kailán aniya, luhà ko’y bubukál, ng habág kay amá, at panghíhinayang, para ng panaghóy, ng nanánambitan? Sa sintáng inagaw, ang itinátangis, dahilán ng aking, lúhang nagbábatis, yaó’y nanánaghóy, dahil sa pág-ibig, sa amáng namatáy, na mapág-tangkilik. Kung ang waláng patíd, na ibinabahá, ng mga matá ko’y, sa hinayang mulà, sa mga palayaw, ni amá’t arugâ, malakíng palad ko’t, matamís na luhà. Ngunit, ang nanaháng, maralitang tubig, sa mukhâ’t dibdib kong, laging dumídilíg, kay amá ngâ galing, datapwá’t sa bangís, hindî sa andukha, at pagtá-tangkilik. Ang matatawag kong, palayaw sa akin, ng amá ko’y itóng, akó’y págliluhin, agawan ng sintá’t, panasá-nasáing, lumubóg sa dusà’t, buhay ko’y mákitíl. Ay para kong anák, na napánganyaya, ang layaw sa amá’y, dusà’t pawang luhà, hindî nakalasáp, kahit munting tuwâ, sa masintáng ináng, págdaka’y nawalá! Napahintô rito’t, náriníg na mulî, ang panánambitan, niyaóng natatalî, na ang wika’y Laurang, alíw niyaring budhî, paalam ang abáng, kandóng ng píghatî. Lumagì ka nawâ, sa kaligayahan, sa haráp ng dímo, esposong katipán, at huwág mong datnín, yaríng kinaratnán, ng kasing linimot, at pinágliluhan. Kung nagbangís kama’t, nagsukáb sa akin, mahál ka rin lubha, dinî sa panimdim, at kung mangyayari, hanggáng sa malibíng, ang mga butó ko, kitá’y sisintahín. Dîpa natátapos, itóng pangúngusap, may dalawáng Leóng, hangos ang páglakad, siyá’y tinútungo’t, págsilà ang hangád, ngunit nangá-tigil, págdatíng sa haráp. Nangá-awà mandi’t, nawalán ng bangís, sa abáng sísilaing, larawan ng sákit, nangá-katingalá’t, parang nangínginig, sa dî lumilikas, na tinangis-tangis. Anóng loób kayâ, nitóng nagágapos, ngayóng nasa haráp, ang dalawáng hayóp, na ang balang ngipí’t, kukó’y nagháhandog, isáng kamatayang, kakilá-kilabot! Dî ko na masabí’t, luhà ko’y nanaták, naúumíd yaríng, dilang nangúngusap, pusò ko’y nanglálambót, sa malakíng habág, sa káawa-awang, kinubkób ng hirap. Sinóng dî máhapís, na may karamdaman, sa lagáy ng gapós, na kalumbáy-lumbáy, lipós ng píghatî, saká tinútunghán, sa lamán at butó, niyá ang hihimáy! Katiwalà na ngâ, itóng tigíb sákit, na ang buhay niyá’y, tungtóng ná sa guhit, linagnát ang pusò’t, nasirà ang boses, dína mawatasan, halos itóng hibík. "Paalam Albaniang, pinamámayanan, ng kasám-a’t lupít, bangís kalíluhan, akong tanggulan mo’y, kusâ mong pinatáy, sa iyó’y malakî, ang panghíhinayang. Sa loób mo nawâ’y, huwág mamilantík, ang panirang talím, ng katalóng kalís, magká espada kang, para ng binitbit, niyaring kinuta mong, kanang matángkilik. Kinasuklamán mo, ang ipinangakò, sa iyó’y gugulín, niniyák kong dugó, at inibig mo pang, hayop ang mag bubò, sa kung itanggól ka’y, maubos tumulò. Pagkabatà ko na’y, waláng inádhikà, kundî páglílingkód, sa iyó’t kalingà, dî makailán kang, babaling masirà, ang mga kamáy ko’y, siyáng tumimawà. Dustáng kamatayan, ang bihis mong bayad, datapwá’t sa iyó’y, magpá-pasalamat, kung pakámahalí’t, huwág ipahamak, ang tinatangisang, giliw na nagsukáb. Yaóng aking Laurang, hindî mapapaknít, ng kamatayan man, sa tapát kong dibdib, paalam bayan ko, paalam na ibig, magdarayang sintáng, dî manáw sa isip! Bayang waláng loób, sintáng alibughâ, Adolfong malupít, Laurang magdarayâ, magdiwang na ngayó’t, malunod sa tuwâ, at masusunód na, sa akin ang nasà. Nasa harap ko na, ang lalong marawal, mabangís na lubháng, lahing kamatayan, malulubos na ngâ, ang inyóng kasám'an, gayon din ang aking, kàalipustaán. Sa abáng-abâ ko! diyata ó Laura, mamámatáy akó’y, hindî mo na sintá! itó ang mapaít, sa lahát nang dusà, Sa akin ay sino, ang mag-áalalá? Diyata’t ang aking, pagká-pangányayà, dî mo tatapunan, ng kamunting luhà, kung yaríng buhay ko’y, nahimbing sa walâ, dî babahaginan, ng munting gunitâ! Guní-guníng itó’y, lubháng , agos ng luhà ko’t, pusò ko’y ma-agnás, tulò kaluluwá’t, sa matá'y pumulas, kayó aking dugô’y, unaháng pumaták. Nang matumbasán ko, ang luhà at sákit, nitóng págkalimot, ng tunay kong ibig, huwág yaríng buhay, ang siyáng itangis, kundî ang págsintáng, lubós na ná-amís. Sa tinaghóy-taghoy, na kasindák-sindák, gerero’y hindî na, napigil ang habág, tinuntón ang boses, at siyáng hinanáp, patalím ang siyáng, nagbukás ng landás. Dawag na masínsi’y, naglagí-lagitík, sa dagók ng lubháng, matalas na kalís, moro’y dî tumugot, hanggáng dî násapit, ang binúbukalán, ng maraming tangis. Anyóng pantáy-matá, ang lagáy ng araw, niyóng pagkátungô, sa kalúlunuran, siyáng pagkátaós, sa kinálalágyan, nitóng nagágapos, na kahambál-hambál. Nang malapít siyá’t, abutin ng sulyáp, ang sa pagkátali’y, linigid ng hirap, nawalán ng diwâ’t, luhà’y lumagáslás, katawán at pusò’y, nagapos ng habág. Malaong natigil, na dî nakakibô, hiningá’y hinabol, na ibig lumayò, matutulog dísin, sa habág ang dugô, kundangan nagbangís, Leong nangág-tayô. Na-akay ng gutom, at gawíng manilâ, ang-ulî sa ganid, at nawaláng awà, handâ na ang ngipi’t, kukóng bagong hasa, at pagsásabayán, ang gapós ng iwâ. Tanáng balahibo’y, pinápangalisag, nanindig ang buntót, na nakágugulat, sa bangís ng anyô, at nginasáb-ngasáb, Furiang nagngangalit, ang siyáng katulad. Nagtaás ang kamáy, at nangá-kaakmâ, sa katawáng gapâ, ang kukóng pangsirâ, nang darakmain na’y, siyáng págsagasâ, niyaóng bagong Marteng, lumitaw sa lupâ. Inusig ng tagâ, ang dalawáng León, si Apolo mandín, sa Serpiente Pitón, waláng bigóng kilós, na dî nababaón, ang lubháng bayaning, tabák na pamutol. Kung ipámilantík, ang kanyáng pamatáy, at saká isalág, ang pang-adyáng kamáy, malíliksing León, ay nangá-lílinláng, kayâ dî naglao’y, nangá-gumong bangkay. Nang mágtagumpáy na, ang gererong bantóg, sa nangákalabang, mabangís na hayop, luhà’y tumútulong, kinalág ang gapos, ng káawa-awáng, iniwán ang loób. Halos nabíbiháy, sa habág ang dibdib, dugô’y ng matingnáng, nunukál sa gitgít, sa págkalág niyáng, maliksi’y nainíp, sa sigá-sigalot, na madláng bilibid. Kayâ ang ginawá’y, inagapayanan, katawáng malatáng, parang bagong bangkay, at minsang pinatíd, ng espadang tangan, waláng awang lubid, na lubháng matibay. Umupó’t, kinalong, na naghíhimutók, katawán sa dusà, hiningá’y natulog, hinaplós ang mukhâ’t, dibdib ay tinutóp, nasà ng gerero’y, págsawaláng loób. Doón sa págtitig, sa pagkálungáy-ngáy, ng kaniyáng kalong, na kalumbáy-lumbáy, ninínilay niyá, at pinagtá-tauhan, ang dikit ng kiyás, at kinasapitan. Namámanghâ namán, ang magandang kiyás, kasíng-isá’t ayon, sa bayaning tikas, mawiwili dísin, ang iminámalas, na matá kundangan, sa malakíng habág. Gulóng-gulô lubha, ang kaniyáng loób, ngunit napayapà, ng anyóng kumilos, itóng abáng kandóng, na kalunos-lunos, nagisíng ang buhay, na nakakatulog. Sa pagkálungáy-ngáy, matá'y idinilat, himutók ang unang, batì sa liwanag, sinundan ng taghoy, na kahabág-habág, nasaán ka Laura, sa ganitóng hirap? Halina giliw ko’t, gapos ko’y kalagín, kung mamatáy akó’y, gunitaín mo rin, pumikít na mulí’t, napatíd ang daíng, sa may kandóng namáng, takót na sagutín. Ipiná-nganganib, ay baká mabiglâ, magtulóy mapatíd, hiningáng mahinâ, hinintáy na lubós, niyáng mapayapà, ang loób ng kandóng, na lipós dalitâ. Nang mulíng mamulat, ay nabíglaanan, "sino? Sa abâ ko’t, nasa morong kamáy!", ibig na iyigtád, ang lunóng katawán, nang hindî mangyari’y, nag-ngalit na lamang. Sagót ng gerero’y, huwág na manganib, Sumápayapa ka’t, mag alíw ng dibdib, ngayó’y ligtas kaná, sa lahát nang sákit, may kalong sa iyó, ang nagtátangkilik. Kung nasusuklám ka, sa aking kandungan, lason sa pusò mo, ang hindî binyagan, nakukutya akong, dî ka saklolohan, sa iyóng násapit, na nápakarawal. Ipiná-hahayág, ng pananamít mo, tagá Albania ka, at akó’y Persiano, ikaw ay káaway, ng baya’t sektà ko, sa lagáy mo ngayó’y, magkatoto tayo. Moro akó’y lubós, na taóng may dibdib, ay násaklolo rin, sa utos ng langit, dinî sa pusò ko’y, kusang natítitik, natural na layong, sa abâ’y máhapís. Anóng gagawín ko’y, aking napakinggán, ang iyóng págtaghoy, na kalumbáy-lumbáy, gapós na nakità’t, pagmú-muntikanán, ng dalawáng ganid, ng bangís na tanán. Nagbuntóng hiningá, itóng abáng kalong, at sa umaalíw, na moro’y tumugón, kundî mo kinalág, sa punò ng kahoy, nalibíng na akó, sa tiyán ng León. Payapa na namán, dísin yaríng dibdib, napág-kíkilaláng, káaway kang labis, at dî binayaang, nagkápatíd-patíd, ang aking hiningáng, kamataya’t sákit. Itóng iyóng awà’y, dî ko hináhangád, patayín mo akó’y, siyáng pitang habág, dímo tantô yaríng, binábatáng hirap, na ang kamatayan, ang buhay kong hanap. Dito nápahiyáw, sa malakíng hápis, ang morong may awà’t, luhà’y, tumagistís, siyáng itinugón, sa wikang náriníg, at sa pánglulumó’y, kusang nápahilig. Ano pa’t kapuwà, hindî makakibó, dî nangá-kalaban, sa damdám ng pusò, parang waláng malay, hanggáng sa magtago’t, humilig si Febo, sa hihigáng gintô. May awang gerero, ay sa maramdamán, malamlám na sinag, sa gubat ay nanáw, tinuntón ang landás, na pinágdaanan, dinalá ang kalong, sa pinánggalingan. Doón sa náunang, hinintuáng dakò, nang masok sa gubat, ang bayaning moro, sa isáng malapad, malinis na bató, kusang pinág-yaman, ang lugaming pangkò. Kumuha ng munting, baong makakain, ang nagdaralitâ’y, inamong tumikím, kahit umá-ayáw, ay nahikayat din, nang sabing malambót, na pawang pág-alíw. Naluwág-luwagán, ang pang-gigipuspós, sapagkat na-awás, sa pagkadayukdók, hindî kinúkúsa’y, tantóng nakatulog, sa sinápupunán nang gererong bantóg. Itó’y dî umidlíp, sa buóng magdamag, sa pág-áalaga’y, nagbatá ng puyat, ipinanganganib, ay baká makagát, nang ganid na madláng, nag-gala sa gubat. Tuwíng magigisíng, sa magaáng tulog, itóng lipós hirap, ay naghíhimutók, pawang tumitirik, na anakí tunód, sa dibdib nang morong, may habág at lúnos. Nang magmamadalíng, araw ay nahimbing, munting napayapà, sa daláng hilahil, hanggáng sa Aurorang, itabóy ang dilím, waláng binitiwáng, himutók at daíng. Itó ang dahiláng, ipinagkasundò, limáng karamdamang, parang hinahalò, ikinatiwasáy, nang may dusáng pusò, lumakás na mulî, ang katawáng hapò. Kayâ’t nang isabog, sa sángsinukuban, ang doradong buhók, nang masayáng araw, nagbagong hinaho’t, pinasalamatan, sa langit ang bagong, lakás nang katawán. Sabihin ang tuwâ, nang gererong hayág, ang abáng kinalong, ay bigláng niyakap, kung nang una’y nukál, ang luhà sa habág, ngayó’y sa galák na, ang ilinágaslás. Kapús ang dilâ kong, mágsaysay nang lakí, nang pasasalamat, nitóng kinandilì, kundangan ang dusà’y, sa nawaláng kasì, ay napawì dísin, sa tuwáng umalì. Sapagkát ang dusáng, mulâ sa pág-ibig, kung kahit mangyaring, lumayó sa dibdib, kisáp matá lamang, ay agád babalík, at magdadagdág pa, sa una nang bangís. Kayâ hindî pa man, halos dumadapò, ang tuwâ sa lamad, nang may dusáng pusò, ay itinakwíl na, nang dálitáng lalò, at ang tunód niyá’y, siyáng itinimò. Niyapús na mulî, ang dibdib nang dusà, hirap kayang bathín, nang sákit sa sintá! dangan inaalíw, nang moro sa Persia, natuluyang nanáw, ang tanging hiningá. Iyóng natatantô, ang aking páglingap , anitóng Persiano, sa nababagabag, mulâ nang hirap mo’y, ibig kong matatáp, at nang kung may daá’y, malagyan nang lunas. Tugón nang may dusà’y, dî lamang ang mulâ, niyaring dalitâ ko, ang isásalitá, kundî sampúng buhay, sapól págkabatà, nang maganapán ko, ang hingî mo’t nasà. Nupóng nag-agapáy, sa punò nang kahoy, ang may daláng habág, at lipós linggatóng, saká sinalitáng, luhà’y bumabalong, buóng nagíng buhay, hanggáng naparoól. Sa isáng Dukado, nang Albaniang siyudád, doón ko nakità, ang unang liwanag, yaríng katauha’y, utang kong tinanggáp, sa Duke Briseo, ay amá kong liyág! Ngayóng nariyan ka, sa payapang bayan, sa haráp ng aking, ináng minamahal, Prinsesa Floreskáng, esposa mong hirang, tanggáp ang luhà kong, sa matá'y nunukál. Bakit nagíng tao, akó sa Albania, bayan ng amá ko, at dî sa Crotona? Masayáng siyudád, na lupà ni iná, dísin ang buhay ko’y, dî lubháng nagdusà. Ang Dukeng amá ko’y, pribadóng tanungan, ng Haring Linceo, sa anumáng bagay, pangalawáng punò, ng sáng-kaharián, hilaga ang tungo, nang sugô ng bayan. Kung sa kabáita’y, ulirán ng lahát, at sa katapanga’y, pang-ulò sa siyudád, waláng kasíng-dunong, mag-mahál sa anák, umakay, magturo, sa gagawíng dapat. Naririníg ko pa, halos hanggá ngayón, malayaw na tawag, ng amá kong poón, niyaóng akó’y batang, kiná-kandóng-kandóng, taguríng Floranténg, bulaklak kong bugtóng. Itó ang ngalan ko, muláng págkábatà, nagisnán sa amá’t, ináng nag andukhà, pamagát na ambíl, sa lumuhà-luhà, at kayakáp-yakáp, ng madláng dalitâ. Buóng kamusmusá’y, dî na sásalit'ín, waláng may halagáng, nangyari sa akin, kundî nang sanggól pa’y, kusang daragitin, ng isáng Buwitréng, ibóng sadyáng sakím. Ang sabî ni iná, akó’y natutulog, sa bahay na kintáng, malapít sa bundók, pumasok ang ibóng, pang-amóy ay abot, hanggáng tatlóng legwas, sa patáy na hayop. Sa sinigáw-sigáw, ng iná kong mutyâ, nasok ang pinsán, kong sa Epiro mulâ, ngala’y Monalipo, may taglay na panà, tinudlá ang ibo’y, namatáy na biglá. Isáng araw namáng, bagong lumalakad, akó’y naglalaró, sa gitnâ ng salas, may nasok na Arkó’t, bigláng sinámbilat, Kupidóng dyamánteng, sa dibdib ko’y hiyás. Nang tumuntóng akó, sa siyám na taón, palaging gawâ ko’y, mag alíw sa buról, sakbát ang palasó't, ang busóg ay kalong, pumatáy ng hayop, mámanà ng ibon. Sa tuwíng umagáng, bagong naglá-latag, ang anák ng araw, ng masayáng sinag, naglílibang akó, sa tabí ng gubat, madlà ang ka-akbáy, na mga alagád. Hanggáng sà tingálaín, ng sángdaigdigán, ang mukhâ ni Febong, hindî matítigan, ay sinásagap ko, ang kaligayaháng, handóg niyaóng hindî, maramot na parang. Aking tinitipon, ang ikinákalat, ng masayáng bangó, ng mga bulaklak, iná-aglahi ko, ang laruáng pugad, mahinhíng amiha’t, ibong lumilipad. Kung akó’y mayroóng, matanáw na hayop, sa tinítingaláng, malapít na bundók, bigláng ibibinit, ang panà sa busóg, sa minsáng tudlâ ko’y, pilit matútúhog. Tanáng samáng lingkód, ay nag-áagawán, unang makarampót, nang aking napatáy, ang tiník sa dawag, ay dî dináramdám, palíbhasa’y tuwâ, ang naká-aakay. Súkat maligaya, sino mang manoód, sa sinulíng-sulíng, ng samâ kong lingkód, at kung masundán, ang bangkay ng hayop, ingay ng hiyawan, sa loób ng tumók. Ang laruáng busóg, ay kung págsawáan, úupô sa tabí, ng matuling bukál, at manánalamín, sa linaw ng kristal, sásagap ng lamig, na iní-aalay. Dito’y mawiwili, sa mahinhing tinig, ng nangág-sasayáng, Nayadas sa bátis, tagintíng ng Lirang, katono ng awit, mabisang pamawi, sa lumbáy ng dibdib. Sa tamís ng tinig, na kahalák-halák, ng nag-aawitang, masasayáng Ninfas, na-áanyayahan, sampúng lumilipád, sarí-saring ibong, agawán ng dilág. Kayâ ngâ’t sa sangá, ng kahoy na dukláy, sa mahál na bátis, na iginagalang, ang bulág na gentil, ay naglúluksuhan, ibo’y nakikinig, ng págaáwitan. Anhín kong sáysayín, ang tinamóng tuwâ, ng kabataan ko’t, malawig na lubhâ, pág-ibig ni amá’y, siyáng naging mulâ, lisanin ko yaóng, gubat na payapa. Pag-ibig anakí’t, aking nakilala, dî dapat palakhín, ang batà sa sayá, at sa katuwa-a’y, kapág namihasa, kung lumakí’y, waláng kakamtíng ginhawa. Sapagkát ang mundó’y, bayan ng hinágpis, namámaya’y súkat, tibayan ang dibdib, lumakí sa tuwâ’y, waláng págtítiís, anóng ilálaban, sa dahás ng sákit? Ang taong mágawí, sa ligaya’t alíw, mahinà ang pusò’t, lubháng maramdamin, ináakala pa, lamang ang hilahil, na daratná’y dína, matútuháng bathín. Para ng halamang, lumakí sa tubig, daho’y malá-lantá, munting dî mádilíg, ikináluluóy, ang sandalíng init, gayón din ang púsong, sa tuwâ’y maniíg. Munting kahirapa’y, mámalakíng dalá, dibdib palibhasa’y, dî gawíng magbatá, ay bago’y sa mundo’y, waláng kisáp matá, ang tao’y mayroóng, súkat ipágdusà. Ang lakí sa layaw, karaniwa’y hubád, sa baít at muni’t, sa hatol ay salát, masakláp na búnga, ng malíng páglingap, habág ng magulang, sa irog na anák. Sa taguríng bunsó't, likong págmamahál, ang isinásamâ, ng batà’y, nunukál, ang ibá’y marahil, sa kapabayaán, nang dapat magturong, tamad na magulang. Ang lahát nang itó’y, kay amáng talastás, kayâ ngâ ang luhà, ni iná’y hinamak, at ipinadalá, akó sa Atenas, bulág na isip ko’y, ng doón mamulat. Pag-aral sa akin, ay ipinatungkól, sa isáng mabaít, maestrong marunong, lahi ni Pitako, ngala’y si Antenor, lumbáy ko’y sabihin, nang dumatíng doón. May sángbuwán halos, na dî nakákaín, luhà sa matá ko’y, dî mapigil-pigil, ngunit napayapà, sa nagíng pág-alíw, ng bunying maestrong, may kupkóp sa akin. Sa dinatnán doóng, madláng nag-aaral, kaparis kong batà’t, kabaguntauhan, isá’y si Adolfong, aking kababayán, anák niyaóng Kondeng, Silenong marangál. Ang kaniyáng taó’y, labis ng dalawá, sa dalá kong edád, na lalabíng-isá, siyáng pinupoón, ng buóng eskuwela, marunong sa lahát, na magkákasama. Mahinhín ang asal, na hindî magasô, at kung lumakad pa’y, palaging patungó, mabining mangusap, at waláng kataló, lapástanganin ma’y, hindî nabúbuyó. Ano pa’t sa baít, ay siyáng huwaran, ng nagkakatipong, nagsísipág-aral, sa gawâ at wika’y, dî mahúhulihan, ng munting panirà, sa magandang asal. Ni ang katalasan, ng aming maestro, at pagká-bihasa, sa lakad ng mundó, ay hindî natarók, ang lihim at tungo, ng púsong malihim, nitóng si Adolfo. Akóng págkabatà’y, ang kinamulatan, kay amá’y ang baít, na dî paímbabáw, yaóng namúmunga, ng kaligayahan, nanakáy sa púsong, suyui’t igalang. Sa pinágtátakhán, ng buóng eskuwela, baít ni Adolfong, ipinákikíta, dî ko málasapán, ang haing ligaya, ng magandang asal, ng amá ko’t iná. Pusò ko’y nínilag, na siyá’y giliwin, ayawán kung bakit, at narírimarim, si Adolfo nama’y, gayón din sa akin, naráramdamán ko, kahit lubháng lihim. Araw ay natakbó, at ang kabataan, sa pág-aaral ko, saki’y nánanáw, baít ko’y luminis, at ang karunungan, ang bulág kong isip, ay kusang dinamtán. Natarók ang lalim, ng pilósopiya, aking natutuhan, ang astrólohiya, natantóng malinis, ang kataká-taká, at mayamang dunong, ng matématiká. Sa loób ng anim, na taóng lumakad, itóng tatlóng dunong, ay aking náyakap, tanáng kasama ko’y, nagsí-pánggilalas, sampû ng maestrong, tuwâ’y dili hamak. Ang pagkátuto ko’y, anakí himalâ, sampû ni Adolfo'y, naiwan sa gitnâ, maingay na lamang, taga pamalitâ, sa buóng Atenas, ay gumalá-galà. Kayâ ngâ at akó, ang nagíng hantungan, tungo ng salitâ, ng tao sa bayan, muláng batà’t hanggáng, katanda-tandaan, ay nakátalastás, ng aking pangalan. Dito na nahubdán, ang kababayan ko, ng hirám na baít, na binalát-kayó, kahinhinang asal, na pakitang tao, nakílalang hindî, bukál kay Adolfo. Matantô ng lahát, na kayâ nanamít, niyaóng kabá-itang, dî taglay sa dibdib, ay nang maragdag pa, sa talas nang isip, itóng kapuriháng, mahinhi’t mabaít. Ang lihim na itó’y, kaya nahalatà, dumatíng ang araw, nang pagká-katuwâ, kamíng nag aaral, bagong tao’t batà, sarí-saring laró, ang minúmukalà. Minulán ang galíng, sa págsasayawan, ayon sa músika’t, awit na salíwan, laróng bunó’t, arnés na kinákitaan, nang kani-kaniyáng, liksi’t karunungan. Sakâ ilinabás, namin ang tragedia, nang dalawáng apó, nang túnay na iná, at manga kapatid, nang nag-iwing amá, anák at esposo, nang Reyna Yokasta. Papel ni Eteocles, ang nagíng tungkól ko, at si Polinice, nama’y kay Adolfo, isáng ka-eskuwela’y, siyáng nag Adrasto, at ang nag Yokasta'y, bunying si Menandro. Anó’y nang mumulán, ang unang batalia, ay ang aming papel, ang magká-kabaka, nang dapat sabihing, akó’y kumilala’t, siyá’y kapatid kong, kay Edipong búnga. Nang-lísik ang matá't, ang ipinágsaysay, ay hindî ang diksyong, nasa orihinal, kundî ang wikâ’y, "ikaw na umagaw, nang kapurihán ko’y, dapat kang mamatáy". Hinándulóng akó, sabáy nitóng wikâ, nang patalím niyáng, pamatáy na handâ, dangan naká-iwas, akó’y nábulagtâ, sa tatlóng mariíng, binítiwang tagâ. Akó’y napahigá, sa inilág-ílag, sinábayáng biglá, nang tagáng malakás, salamat sa iyó, ó Menandrong liyág, kundî ang liksi mo, buhay ko’y na-utás! Nasalág ang dagók, na kamatayan ko, lumipád ang tangang, kalís ni Adolfo, siyáng pág-pagitnâ, nang aming maestró, at nawaláng-diwáng, kasama’t katoto. Anupá’t natapós, yaóng kátuwaán, sa pangíngilabot, at kapíghatian, si Adolfo'y dína, namán nabukasan, noón dî’y náhatid, sa Albaniang bayan. Nagíng sángtaón pa, akó sa Atenas, hinintáy ang loób, nang amá kong liyág, sa abâ ko’t noó’y, tumánggáp nang sulat, na ang balang letra’y, íwang may kamandág. Gunám-gúnam na dî, napagod húmapis, dî ka ná-iyanod, nang lúhang mabilís, iyóng ginúguló, ang baít ko’t isip, at dímo payagang, payapa ang dibdib! Kamandág kang lagak, niyaóng kamatayan, sa sintáng Iná ko’y, dî nagpákundangan, sinásariwa mo, ang súgat na laláng, nang aking tinánggáp, na palasóng liham! Tútulungan kitá, ngayóng magpalalâ, nang hapdî sa púsong, dî ko ma-apulâ, namatáy si Iná, ay lakíng dalitâ, itó sa buhay ko, ang unang umiwâ. Patáy na dinámpulay, sa aking págbasa, niyóng layong titik, na bikíg ng pluma, diyata Amá ko, at nakásulat kâ, ng pamatíd buhay, sa anák na sintá! May dalawáng oras, na dî nakámalay, ng págkatao ko’t, ng kinálalagyán, dangan sa kalingà, ng kasamang tanán, ay dî mo na akó, na kasálitaan. Nang mahimás-masá’y, narito ang sakít, dalawá kong matá'y, nagíng parang bátis, ang áy! áy! Iná’y, kung kayâ mapatíd, ay nákalimutan, ang pághingáng gipít. Sa panahóng yaó’y, ang buó kong damdám, ay nanáw sa akin, ang sángdaigdigán, nag-iisá akó, sa gitnâ ng lumbáy, ang kinákabaka’y, sarili kong buhay. Hinamak ng aking, pighatíng mabangís, ang sa Maestro kong, pang-alíw na boses, ni ang lúhang tulò, ng samáng may hápis, ay dî naká-awás, sa pasán kong sákit. Baras ng matuwíd, ay linapástangán, ng lubháng marahás, na kapíghatian, at sa isáng titig, ng palalong lumbáy, diwâ’y lumilipád, niyaring katí-isan. Anupá’t sa bangís, ng dusáng bumugsò, Miná-masaráp kong, mutók yaríng pusò, at ng ang kamandág, na nakapúpunó, sumamang dumaloy, sa agos ng dugò. May dalawáng buwáng, hindî nakátikím, akó ng linámnám, ng payapa’t alíw, ikalawáng sulat, ni Amá’y dumatíng, sampû ng sasakyáng, sumundó sa akin. Saád sa kalatás, ay bigláng lumulan, at akó’y umuwí, sa Albaniang bayan, sa aking Maestro, ng napáaalám, aniya’y "Florante, bilin ko’y, tandaán. Huwag malílingát, at pág-ingatan mo, ang higantíng handâ, ng Konde Adolfo, pailág-ilagang, parang basélisko, súkat na ang titig, ng matá'y sa iyó. Kung ang isalubong, sa iyóng págdatíng, ay masayáng mukhâ’t, may pakitang giliw, lalong paingatá’t, káaway na lihim, siyáng isá-isip, na kakábakahin. Dapwá’t huwág kang, magpápahalatá, tarók mo ang lalim, ng kaniyáng nasà, ang sásandatahi’y, lihim na ihandâ, ng may ipágtanggól, sa araw ng digmâ. Sa mawika itó, luhà’y bumalisbís, at akó’y niyakap, na pinakáhigpít, hulíng tagubilin, bunsó’y katí-tiís, at hiníhintáy ka, ng maraming sákit. At mumulán mo na, ang pakíkilaban, sa mundóng bayaning, punong kalíluhan", hindî na natapos, at sa kalúmbayan, pinigil ang dilâ, niyáng págsásaysay. Nagká-bitíw kamíng, malumbay kapwá, tanáng ka-eskuwela, matá'y lumúluha, si Menandro’y labis, ang págdaralitâ, palíbhasa’y tapát, na kapwà batà. Sa pagkákalapat, ng balikat namin, ang mutyáng katoto’y, dî bumitíw-bitíw, hanggáng tinulutang, sumama sa akin, ng aming maestrong, kaniyáng amaín. Yaóng páalama’y, anupá’t natapos, sa pagsásaliwan, ng madláng himutók, at sa kaingaya’t, guló ng adyós, ang buntong hiningá, ay nakikisagót. Magpáhanggáng daóng, ay nagsípatnubay, ang aking maestro’t, kasamang íiwan, umihip ang hangi’t, agád náhiwaláy, sa pasig Atenas, ang aming sasákyán. Bininit sa busóg, ang siyáng katulad, ng tulin ng aming, daóng sa páglayág, kayâ dî naglaon, paá ko’y yumapak, sa dalámpasigan, ng Albaniang siyudád. Pág-ahon ko’y agád, nagtulóy sa Kintà, dî humíhiwalay, ang katotong sintá, pág-halík sa kamáy, ng poón kong Amá, lumalá ang sakít, ng dahil kay Iná. Nagdurugong mulî, ang súgat ng pusò, humigít sa una, ang dusáng bumugsò, nawikáng kasunód, ng lúhang tumulò, ay Amáng! kasabáy, ng bating ay bunsó! Anupá’t ang aming, buhay na mag amá, nayapós ng bangís, ng síng-isáng dúsa, kamí ay dinátnang, nagkákayakap pa, niyaóng Embahadór, ng bayang Crotona. Nakapánggaling na, sa Palasyo Real, at ipinágsabi, sa Harì ang pakay, dalá’y isáng sulat, sa Amá kong hirang, titik ng Monarkáng, kaniyáng biyanán. Humíhinging tulong, at nasa pangambá, ang Crotonang Reyno’y, kubkób ng kabaka, ang punò ng hukbó’y, balità ng siglá, Heneral Osmalik, na bayaning Persia. Ayon sa balità’y, pangalawá itó, ng Prinsipe niyáng, bantóg sa sáng-mundó, Aladíng kilabot, ng mga gerero, iyóng kababayáng, hináhangaan ko. Dito napangití, ang morong kausap, sa nagsásalitá’y, tumugóng banayad, aniyá’y bihiráng, balità’y magtapat, kung magkátotoó ma’y, marami ang dagdág. At saká madalás, ilalâ ng tapang, ay ang guní-guníng, takót ang kalaban, ang isáng gererong, palaring magdiwang, mabábalita na, at pangíngílagan. Kung sa katapanga’y, bantóg si Aladín, may buhay din namáng, súkat na mákitíl, iyóng matátantóng, kasímpantay mo rin, sa kasamaáng palad, at daláng hilahil. Sagót ni Florante, huwág díng máparis, ang gererong bantóg, sa palad kong amís, at sa káaway ma’y, dî ko ninánais, ang lakí ng dusáng, aking napágsapit. Matantó ni Amá, ang gayóng sakunà, sa Crotonang baya’y, may balang sumirà, akó’y isinama’t, humaráp na biglá, sa Haring Linceong, may gayák ng digmà. Kamí ay bago pang, nánakyát sa hagdán, ng Palasyong batbát, ng hiyas at yaman, ay sumalubong na, ang Haring marangál, niyakap si Amá’t, akó’y kinamayán. Ang wika’y ó Duke, ang kiyás na itó, ang siyáng kámukhâ, ng bunying gerero, aking napangarap, na sabì sa iyó, magiging haligi, ng Setro ko’t Reyno. Sino itó’t saán, nanggaling na siyudád? ang sagót ni Amá, "ay bugtóng kong anák, na iniháhandog, sa mahál mong yapak, ibilang sa isáng, tauhá’t alagád.". Namánghâ ang harì, at niyakap akó, "mabuting panahón, itóng págdatíng mo, ikaw ang Heneral, nang hukbóng dadaló, sa bayang Crotonang, kinubkób nang moro. Patútohanan mong, hindî ibá’t ikaw, ang napangarap kong, gererong matapang, na naglálathala, sa sángsinukuban, nang kapurihán ko, at kapángyarihan. Iyóng kautangan, paroóng mag-adyá, nunò mo ang Harì, sa bayang Crotona, dugô kang mataás, ay dapat kumita, nang sariling dangál, at bunyí sa giyera". Sapagkát matuwíd, ang sa Haring saysay, umayon si amá, kahi’t mapaít man, nang agád masubo, sa pagpápatayan, ang kabataan ko’t, dî kabíhasaán. Akó’y waláng sagót, na naípahayág, kundî "Haring poó’t", nagdapá sa yapak, nang aking hahagkan, ang mahál na bakás, kusang itinindíg, at mulíng niyakap. Nag-upuàn kamí’t, saká nag panayám, nang bala-balaki’t, may halagáng bagay, nang sasalit'ín ko, ang pinág-daanan, sa bayang Atenas, na pinánggalingan. Siyang pamímitak, at kusang nag sabog, nang níngníng ang talang, ka-agáw ni Venus, anakí ay bagong, umahon sa búbog, buhók ay nag lugay, sa perlas na bátok. Tuwáng pangalawá, kung hindî man langit, ang itinapon, nang mahinhing titig, ó ang luwalhating, búko nang ninibig, pain ni Kupidóng, waláng makárakíp. Liwanag nang mukhâ’y, waláng pinág-ibhán, kay Febo kung anyóng, bagong sumísilang, katawáng bútihin, ay timbáng na timbáng, at mistulang ayon, sa hinhín nang ásal. Sa kaligayaha’y, ang nakáka-ayos, bulaklak na bagong, wináhì nang hamóg, anupá’t sino mang, palaring manoód, patáy ó himalâ, kung hindî umirog. Itó ay si Laurang, ikinásisirà, nang pág-iisíp ko, tuwíng magunitâ, at dahil nang tanáng, himutók at luhà, itinótono ko, sa pagsásalitá. Anak ni Linceong, haring napáhamak, at kinábukasan, nang aking págliyág, bakit itinulot, langit na mataás, na mapánuód ko, kung dî akó dapat? O Haring Linceo, kung dî mo pinilit, ná sa salitaan, nati’y makipanig, ang buhay ko disi’y, hindî nagkásakít, ngayong páglilúhan, nang anák mong ibig! Hindî katotò ko’t, si Laura’y dî taksíl, aywán kung anó’t, lumimot sa akin! Ang palad ko’y, siyáng alipustá’t linsil, dî laáng magtamó, nang tuwâ sa giliw. Makákapit kaya, ang gawáng magsukáb, sa pinakáyaman, nang langit na dilág? Kagandaha’y bakit, dî makapágkalág, nang pagkáka-patíd, sa naglilong lakad? Kung nalálagáy ka, ang mamátuwirín, sa laot nang madláng, súkat ipágtaksíl, dili ang dangál mong, dapat na lingapin, mahigít sa waláng, kagandaha’t ningning. Itó ay hamak pa, bagáng sumángsala, ng karupukán mo, at gawíng masamâ, kung ano ang taás, ng pagkádakilà, siyá ríng lagapák, namán kung márapâ. O bunying gererong, naawà sa akin, págsilang na niyaóng, nanabagongng bituín, sa pagkákità ko’y, sabáy ang pág-giliw, inagaw ang púsong, sa Iná ko’y hain. Anupá’t ang lúhang, sa matá'y nánagós, nang pagká-ulila, sa Iná kong irog, na tungkol sa sintá’t, pusò’y nangilabot, baká dî marapat, sa gayóng alíndóg. Hindî ko makità, ang patas na wikâ, sa kagúluhan ko’t, pagká-waláng diwâ, nang maki-umpók na’y, ang aking salitâ, anhín mang tuwirín, ay magkákalisyâ. Nang malutás yaóng, pagsásalitaán, ay walâ na akong, kámaharlikaán, kalúluwa’y guló’t, pusò’y nadádaráng, sa ningas nang sintáng, bago kong natikman. Tatlóng araw nuóng, piniging nang Harì, sa Palasyo Real, ná sa Amá’y bunyî, ay dî nakausap, ang punong píghatî, na iná-asaháng, ilúluwalhatî. Dito ko natikman, ang lalong hinagpís, higít sa dálitáng, náunang tiniís, at binúlaáng ko, ang lahát nang sákit, kung sa kahirapan, mulâ sa pág-ibig. Salamat at niyaóng, sa kinábukasan, hukbó ko’y lalakad, sa Crotonang bayan, sandalíng pinalad, na makápanayám, ang Prinsesang liyág, niyaring katauhan. Ipináhayág ko, nang wikáng ma-irog, nang buntong-hiningá, luhà at himutók, ang matindíng sintáng, ikiná-lulugód, magpáhanggáng ngayón, nang buhay kong kapós. Ang púsong matibay, nang himaláng dikít, nahambál sa aking, malumbay na hibík, dangan ang kaniyáng, katútubong baít, ay humadláng dísin, sintá ko’y nabihis. Ngunî’y kung ang ó-o’y, dî man binítiwan, nalíwanagán din, sintáng nadídimlán, at sa pág-panaw ko, ay piná-baunan, nang hiyas na perlas, ná sa matá'y nukál. Dumatíng ang búkas, nang aking pág-alís, sino ang sásayod, nang bumugsóng sákit? dinî sa pusò ko’y, alíw ang hinagpís, na hindî nagtimò, nang kaniyáng kalís? May sakít pa kayáng, lálalò nang tindî, sa ang sumísinta’y, mawalay sa kasì? Guní-guní lamang, dî na ang mangyari, súkat ikálugmók, nang púsong bayani. O nangág-aalay, nang mabangong suób, sa dakilang altar, ni Kupidóng Diyos, sa dusà ko’y kayó, ang nakátatarók, niyaóng mangulila, sa Laura kong irog! At kundî sa lúhang, pabaon sa akin, namatáy na muna, bago ko na-atím, dusáng dî lumikas, hanggáng sa dumatíng, sa bayang Crotonang, kubkób nang hilahil. Kuta’y lúlugsó na, sa bayóng madalás, nang manga makináng, talagáng pang-walát, siyáng páglusob ko’t, nang hukbóng akibat, ginipít ang digmáng, kumubkób sa siyudád. Dito’y ang masidhíng, lubháng kamatayan, at Parkas Atropos, ay nágdamdám pagál, sa pág-gapas nilá’t, págkitíl nang buhay, nang nag-híhingalóng, sa dugô’y nag-lutang. Nakità nang píling, Heneral Osmalik, ang aking marahás, na pamímiyapis, pitóng susóng hanay, sa dulò nang kalís, winahî nang tabák, nang akó’y masapit. Sa kaliwá’t kanán, niyá’y nalálaglag, manga soldados kong, pawang marárahás, lumapit sa akin, matá'y nagníningas, halika aniyá’t, kitá ang maglamas. Limáng oras kamíng, hindî nag-hiwaláy, hanggáng sa nahapò, ang bató nang tapang, nag-luksâ ang langit, nang aking mápatáy, habág sa gererong, sa mundo’y tinákhán. Siya nang págsilíd, nang pangíngilabot, sa kalabang hukbóng, parang sinásalot, nang pamuksáng tabák, ni Menandrong bantóg, ang kampo’t tagumpáy, napa-aming lubós. Tagumpáy na itó’y, pumawì nang lumbáy, nang manga nakúbkob, nang kasákunaán, panganib sa pusò’y, nagíng kátuwaan, ang pintô nang siyudád, págdaka’y nabuksán. Sinalubong kamí, nang Haring dakilà, kasama ang buóng, bayang nátimawâ, ang pasásalamat, ay dî ma-apulâ, sa dî magká-wastóng, nagpúpuring dilâ. Yaóng bayang hapó’t, bagong nakátigháw, sa nágbalang bangís, nang manga káaway, sa pagká-timawâ, ay nag-áagawáng, malapít sa aki’t, damít ko’y máhagkán. Sa lakás nang hiyáw, nang Famang matabíl, vivang dugtóng-dugtóng, ay nakíkisalíw, ang bulóng salamat, nagtanggól sa amin, dininíg sa langit, ng mga bituin. Lalò na ang tuwâ, nang akó’y matatáp, na apó nang harì, niláng liníliyág, ang monarká nama’y, dî muntî ang galák, luhà ang nagsabi, nang ligayang ganáp. Nagsí-akyát kamí, sa palasyóng bantóg, at nangág-pahingá, ang sundalóng pagód, dapwá’t ang baya’y, tatlóng araw halos, na nákalimutan, ang gawíng págtulog. Sa ligaya namin, nang nunò kong harì, nakípagitan din, ang lilóng píghatî, at ang págkamatáy, nang Iná kong pilî, malaon nang lantá’y, nanariwang mulî. Dito naniwala, ang batà kong loób, ná sa mundó’y waláng, katuwaáng lubós, sa minsáng ligaya’y, talì nang kasunód, makápitóng lumbáy, ó hanggáng matapos. Magíng limáng buwán, akó sa Crotona, nag-pilít bumalík, sa Reynong Albania, dî sinong susumang, sa akay nang sintá, kung ang tinútungo’y, lalò’t isáng Laura? Sa gayóng katulin, nang aming páglakad, naí-iníp akó’t, ang nasà'y lumipád, abá’t nang matanáw, ang muóg nang siyudád, kumutób sa aking, pusò’y lalong hirap. Kayâ palá gayó’y, ang nagwá-wagaywáy, sa kúta’y hindî na, bandilang binyagan, kundî Medialuna’t, Reyno’y nasalakay, ni Aladíng salot, nang pasuking bayan. Ang akay kong hukbó’y, kusang pináhimpíl, sa paá nang isáng, bundók na mabangín, dî kaginsá-ginsá’y, nátanawán namin, pulutóng nang morong, lakad ay mahinhin. Isáng biní-binì, ang gapós na tagláy, ná sa damdám nami’y, tangkáng púpugutan, ang pusò ko’y lalong, ná-ipit nang lumbáy, sa gunitáng baká, si Laura kong buhay. Kayâ dî napigíl, ang akay nang loób, at ang manga moro’y, bigla kong linusob, palad nang tumakbó, at hindî natapos, sa aking pamuksáng, kalís na may poót! Nang walâ na akong, págbuntunáng galit, sa dî makákibóng, gapós ay lumapit, ang takíp sa mukhâ’y, nang aking iyalís, abá ko’t, si Laura, may laló pang sákit. Pupugutan dahil, sa hindî págtanggáp, sa sintáng mahalay, nang Emir sa siyudád, nang mag-asal hayop, ang morong pangahás, tinampál sa mukhâ, ang himaláng dilág. Aking dalí-daling, kinalág sa kamáy, ang lubid na waláng, awà at pitagan, manga dalirî ko’y, na-áaláng-alang, marampî sa balát, na kagaláng-galang. Dito nakátanggáp, nang lunas na titig, ang nágdaralitáng, pusò sa pág-ibig, araw nang ligayàng, una kong pág-diníg, nang sintáng Florante, sa kay Laurang bibíg. Nang aking matantóng, nasa bilangguan, ang bunying Monarká’t, ang Amá kong hirang, nag-utos sa hukbó’t, aming sinalakay, hanggáng dî nabawì, ang Albaniang bayan. Pagpasok na namin, sa loób nang Reyno, bilanggua’y siyáng, una kong tinungô, hinangò ang Harí’t, ang Dukeng Amá ko, sa kaginóohá’y, isá si Adolfo. Labis ang ligayang, kinamtán ng Harì, at nang nátimáwang, kamáhalang pilì, si Adolfo lamang, ang nágdalamhatî, sa kapurihán kong, tinamó ang sanhî. Pangímbuló niyá’y, lalò nang nag-alab, nang akó’y tawaging, tánggulan nang siyudád, at ipinágdiwang, nang Haring mataás, sa Palasyo Real, nang lubós na galák. Saká náhalatáng, akó’y minamahal, nang pinág-úusig, niyáng karíkitan, ang Konde Adolfó’y, nagpápakamatáy, dahil sa Korona, kay Laura’y mákasal. Lumagò ang binhíng, mulâ sa Atenas, ipinunlang nasang, akó’y ipahamak, kay Adolfo'y waláng, bagay na masakláp, para nang buhay kong, hindî maúutas. Dî nag iláng buwán, ang sa Reynong tuwâ, at pasásalamat, sa pagká-timawa, dumatíng ang isáng, hukbóng manínira, nang taga Turkiyáng, masakím na lubhà. Dito ang panganib, at pág-íiyakan, nang bagong náhugot, sa dálitáng bayan, lalò na si Laura’t, ang kapángambahán, ang akó ay samaíng palad, sa pátayan. Sapagkát Heneral, akong iní-atás, nang Harì sa hukbóng, sa moro’y lalabás, nag-ulî ang loób, nang bayang nasindák, pusò ni Adolfo'y, parang nákamandág. Linoób nang langit, na aking nasupil, ang hukbó nang bantóg, na si Mirámolín, siyáng muláng araw, na ikinálagím, sa Reynong Albania, nang Turkong masakím. Bukód ditô’y madláng, digmâ nang káaway, ang sunód-sunód kong, pinág-tagumpayán, anupá’t sa aking, kalís na matapang, labíng-pitóng harì, ang nangág-sigalang. Isáng araw akong, bagong nag-tagumpáy, sa Etoliang siyudád, na kusang binaka, tumánggáp ng sulat, ng aking Monarkà, mahigpít na biling, muwí sa Albania. At ang panihala, sa dalá kong hukbó, Ipinágtiwalang, iwan kay Menandro, noón dî’y tumulak, sa Etoliang Reyno, págsunód sa Harì’t, Albania’y tinungò. Nang dumatíng akó’y, gabíng kádilíman, pumasok sa Reynong, waláng agám-agam, págdaka’y kinúbkób, lakíng kalíluhan! na may tatlóng-pawang, líbong sándatahán. Dî binigyáng daáng, akin pang mábunot, ang sakbát na kalís, at maká-pamoók, buóng katawán ko’y, binídbíd ng gápos, piniít sa karsél, na kátakot-takot. Sabihin ang aking, pamamanghà’t lumbáy, lalò nang matantóng, Monarká’y pinatáy, ng Konde Adolfo, kusang idínamay, ang Amá kong irog, na mapág-palayaw. Ang nasang yumama’t, haring mápatanyág, at uháw sa aking, dugô ang yumakag, sa pusò ng Konde, sa gawáng magsukáb, ó nápakarawal, na Albaniang siyudád. Mahigpit kang abâ, sa mapág-punuán, ng hangal na punò, at masamáng asal, sapagkat ang Haring, may hangád sa yaman, ay mariíng hampás, nang langit sa bayan. Akó’y lalong abâ’t, dinayà ng ibig, may kahirapan pang, para ng mariníg, na ang princesa ko’y, nangakong mahigpít, pakasál sa Konde, Adolfong balawis? Itó ang nagkalat, ng lásong masidhî, sa ugát ng aking, púsong mapíghatî, at pinág-nasaang, buhay ko’y madalî, sa pinánggalingang, waláng magsaulî. Sa pagkábilanggóng, labíng-walóng araw, na íiníp akó, ng dî págkamatáy, gabí ng hangui’t, ipinágtuluyan, sa gubat na itó’t, kusang ipinugal. Bilang makálawáng, máligid ni Febo, ang sángdaígdigan, sa pagká-gapos ko, ng iná-akalang, nasa ibáng Mundó, imulat ang matá'y, nasa kandungan mo. Itó ang buhay kong, siló-silóng sákit, at hindî pa tantô, ang hulíng sásapit, mahabang salitâ, ay ditô napatíd, ang gerero namán, ang siyáng nágsulit. Ang págkabuhay mo’y, yamang nátalastás, tantuín mo namán, ngayón ang kausap, akó ang Aladin, sa Persiang siyudád, anák ng balitang, sultáng Alí-Adáb. Sa págbatis niyaring, mapaít na luhà, ang págkabuhay ko’y, súkat máhalatâ, ay Amá ko bakit? ay Fléridáng tuwâ, katoto’y bayaan, akó’y mapayapa. Magsama na kitáng, sa luhà’y máagnás, yamang pinág-isá, ng masamáng palad, sa gubat na itó’y, antayín ang wakás, ng págkabuhay táng, nalipós ng hirap. Hindî na inulít, ni Florante namán, luhà ni Aladí’y, piná-ibayuhan, tumahán sa gubat, na may limáng buwan, ng isáng umaga’y, naganyák nág-libáng. Kaniláng linibot, ang loób ng gubat, kahit bahágyâ ng, makità ang landás, ditô sinálitâ, ni Aladíng hayág, ang kaniyáng buhay, na kahabág-habág. Aniyá’y sa madláng, giyeráng dináanan, dî akó nághirap, ng pakíkilaban, para ng bakahin, ang púsong matibay, ni Fléridáng irog, na tinátangisan. Kung nakikí-umpók, sa madláng princesa'y, si Diana’y sa gitnâ, ng maraming Ninfas, kayâ’t kung tawagin, sa Reyno ng Persia, isá sa Houris ng mga Propeta. Anupá’t pinalad, na aking dinaíg, sa kátiyagáan, ang púsong matipíd, at pagkákaisá, ng dalawáng dibdib, págsintá ni Amá’y, nabuyóng gumiít. Dito na minulán, ang págpapáhirap, sa aki’t nínasang, buhay ko’y mautás, at ng mag tagumpáy, sa Albaniang siyudád, págdatíng sa Persiá’y, binílanggó agád. At ang ibínuhat, na kasalanan ko, dípa utos niyá’y, iniwan ang hukbó, at ng mabalitáng, Reyno’y nabawí mo, akó’y hinátulang, pugutan ng ulò. Nang gabíng malúngkot, na kinábukasan, wakás na tadhanang, akó’y púpugutan, sa karsél ay nasók, ang isáng Heneral, dalá ang patawad, na lalong pamatáy. Tádhanáng mahigpít, ay malís págdakà, huwág mabukasan, sa Reyno ng Persia, sa munting págsuwáy, buhay ko ang dusà, sinunód ko’t utos, ng Harì ko’t amá. Ngunit sa pusò ko’y, matamís pang lubhâ, natulóy nákitíl, ang hiningáng abâ, huwág ang may buhay, na nagúgunita, ibá ang may kandóng, sa langit ko’t tuwâ. May anim na ngayóng, taóng waláng likat, nang línibot libot, na kasama’y hirap, nápatigíl ditô’t, silá’y may námatyág, nagsá-salítaán, sa loób nang gubat. Napákingán nilá’y, ang ganitóng saysay; "Nang aking matatáp, na papúpugutan, ang abáng sintá kong, nasa bilangguan, nag dapâ sa yapak, nang Haring sukaban. Iníhingíng tawad, nang luhà at daíng, ang kaniyáng anák, na mutyá ko’t giliw, ang sagót ay kundî, kusâ kong tánggapín, ang págsintá niyá’y, dî patátawarin. Anóng gágawín ko, sa ganitóng bagay? Ang sintá ko kayâ’y, bayaáng mamatáy? Napahinuhod na, akó’t nang mabuhay, ang Prínsipéng irog, na káhambál-hambál. Ang dî nabalinong, matibay kong dibdib, sa súyo nang harì, balâ at pághibík, nánglambót na kúsa’t, humáin sa sákit, at nang maíligtás, ang buhay nang ibig”. Sa tuwâ nang Harì, pinawalán agád, ang dahil nang aking, lúhang pumápaták, dapwá’t tadhanang, umalís sa siyudád, at sa ibáng lupà’y, kusang mawákwák. Pumanaw sa Persia, ang írog ko’t buhay, na hindî man kamí, nagkásalitaán, tingín kung may luhà, akong ibubukál, na máitútumbás, sa dusà kong tagláy. Nang iginágayák, sa loób nang Reyno, yaóng pagká-kasál, na kamatayan ko, aking náakalang, magdamít gerero, at kusang magtanan, sa Real Palasyo. Isáng háting-gabíng, kadilima’y lubhâ, lihim na nághugos, akó sa bintana, waláng kinásama, kung hindî ang nasà, matuntón ang sintá, kung nasaáng lupà. May ilán ng taón, akong nág-lagalág, na piná-palasyo, ang bundók at gubat, dumatíng ngâ ritó’t, kitá’y ná-iligtás, sa masamáng nasà, niyaóng taóng sukáb. Salitâ’y nahinto, sa bigláng págdatíng, ng Duke Floranté’t, Principé Aladín, na pagká-kílalá, sa boses ng giliw, ang gawî ng pusò’y, dî napigil_pigil. Alíng dilâ kaya, ang makasásayod, ng tuwáng kinamtán, ng magkasing irog, sa hiyâ ng sákit, sa lupà’y lumubóg, dala ang kaniyáng, napúlpól na tunód. Saáng kálangitán, na páakyát kayâ, ang ating Florante, sa tinamóng tuwâ, ngayóng tumítitig, sa ligayang mukhâ, ng kaniyáng Laurang, ninánasà nasà. Anó pa ngâ yaóng, gubat na malúngkot, sa apat ay nagíng, paraiso’t lugód, makáiláng hintóng, kaniláng nalimot, na may hiningá pang, súkat na malagót. Sigabò ng tuwâ’y, ng dúmaláng dalang, dininíg ng tatló, kay Laurang buhay, násapit sa Reyno, mulâ ng púmanaw, ang sintáng nag-gubat, ganitó ang saysay. "Dî lubháng naglaon, niyaóng pág-alís mo, ó sintáng Florante, sa Albaniang Reyno, náriníg sa baya’y, isáng pipíng guló, na umalingáwngáw, hanggáng sa Palasyò. Ngunit dî mangyaring, máwatás-watasan, ang bakit at hulò, ng bulúng-búlungan, parang isáng sakít, na dî máhulaan, ng medikóng pantás, ang dahil at saán. Dî kaginsá-ginsá, Palasyo’y nákubkób, ng magulóng baya’t, balutíng soldados, o araw na lubháng, kakilá-kilabot, araw na sinumpâ, ng galit ng Diyos! Sigawang malakás, niyaóng bayang guló, mamatáy-mamatáy, ang Haring Linceo, may nágmanukalang, gutumin ang Reyno’t, lagyán nang Estanque, ang kákaning trigo. Itó’y kay Adolfong, kagágawáng lahát, at ng magkáguló, yaóng bayang bulág, sa ngalan ng Harì, ay isinámbulát, gayóng ordeng mulâ, sa dibdib ng sukáb,. Noón dî’y hinugót, sa tronong lúklukan, ang Amá kong Harì, at piná-pugutan, may matuwíd bagáng, makapáng-lúlumay, sa sukáb na pusò’t, nagúgulóng bayan? Sa araw ríng yaó’y, náputlán ng ulô, ang tapát na loób, na mga konseho, at hindî pumuról, ang tabák na lilo, hanggáng may mabaít, na mahál sa Reyno. Umakyát sa trono, ang Kondeng malupít, at pinágbalaan, akó ng mahigpít, na kung dî tumánggáp, sa haíng pág-ibig, dustáng kamataya’y, aking masásapit. Sa págnánasà kong, siyá’y magántihán, at sulatán kitá, sa Etoliang bayan, pinílit ang púsong, huwág ipámalay, sa lilo ang aking, káayawá’t suklám. Limáng buwáng singkád, ang hiningíng taning, ang kaniyáng sintá’y, bago ko tanggapín, ngunit pinásiyáng, tunay sa panimdim, ang mágpatiwakál, kundî ka dumatíng. Niyari ang sulat, at ibinigáy ko, sa tapát na lingkód, na dalhín sa iyó, dî nag-isáng buwá’y, siyáng págdatíng mo’t, nahulog sa kamáy, ni Adolfong lilo. Sa takot sa iyó, niyaóng palámara, kung iká’y magbalík, na may hukbóng dalá, ng mag-isáng muwí, ay pinádalhán ka, ng may selyóng sulat, at sa Haring pirmâ. Matantó ko itó’y, sa malakíng lumbáy, gayák na ang pusò, na mágpatiwakál, ay siyáng págdatíng, ni Menandro namán, kinúbkób ng hukbó, ang Albaniang bayan. Sa bantá ko’y siyáng, tantóng nakátanggáp, ng sa iyó’y aking, padaláng kalatás, kayâ’t ng dumatíng, sa Albaniang siyudád, Lobong nagúgutom, ang kahalíntulad. Nang waláng magawâ, ang Konde Adolfo, ay kusang tumawag, ng kapuwá lilo, dumatíng ang gabí, umalís sa Reyno, at akó’y dinaláng, gapós sa kabayo. Kapágdatíng ditô, akó’y dinádahás, at ibig ilugsó, ang purî kong ingat, maná’y isáng tunód, na kung saán buhat, pumako sa dibdib, ni Adolfong sukáb.". Sagót ni Flerida, "nang ditô’y sumapit, ay may napákinggáng, biní-bining boses, na pakíramdám ko’y, biní-bìgyáng sákit, nahambál ang aking mahabagíng dibdib. Nang pághanapin ko’y, ikáw ang nátaós, pinípilit niyaóng, taóng balakyót, hindî ko nabatá’t, bíninit sa busóg, ang isáng palasóng, sa lilo'y tumapos.". Dî pa napápatíd, itóng pangúngusap, si Menandro’y siyáng, págdatíng sa gubat, dalá’y Ejército’t, si Adolfo'y hanap, nakità’y katoto, lakíng tuwâ’t galák! Yaóng Ejércitong, mulâ sa Etolia, ang unang nawika, sa gayóng ligaya, Viva si Floranténg, harì sa Albania, Mábuháy mabuháy, ang Prinsesa Laura!". Dínalá sa Reynong, ipinág díriwang, sampû ni Aladí’t, ni Fléridáng hirang, kapwá tumánggáp, na mangág-binyágan: magká-kasíng-sintá’y, náraos nákasál. Namatáy ang bunying, Sultan Ali Adáb, muwí si Aladín, sa Persiang siyudád, ang Duke Florante, sa Trono’y náakyát, sa siping ni Laurang, minú-mutyáng liyág. Sa pamámahala, nitóng bagong Harì, sa kapayapaan, ang Reyno’y na-ulî, ditô nakábangon, ang nalúlugamì, at napasá-tuwâ, ang nagpí-píghatî. Kayâ ngá’t nágtaás, ang kamáy sa langit, sa pasásalamat, ng bayang tángkilik, ang Harì’t ang Reyna’y, waláng naíisip, kundî ang mágsabog, ng awà sa kabig. Nagsásama siláng, lubháng mahinusay, hanggáng sa násapit, ang payapang bayan, Tigil aking Musà’t, kúsa kang lumagáy, sa yapak ni CELIA’t, dalhín yaríng Ay! .. Ay!